De La Salle University Publishing House (DLSUPH)
Lupang Hinirang, Lupang Tinubuan:
Mga Sanaysay sa Kritika, Kasaysayan, at Politikang Pangkultura

by: E. San Juan, Jr.
Published and distributed by
De La Salle University (DLSU) Publishing House, 2015
ISBN 978-971-555-623-1
348 pages
Isang mapanuri’t mapagsiyasat na pagsubok ang inihahapag ni E. San Juan, Jr. dito sa kalipunan ng mga sanaysay niyang tumatalakay sa iba’t ibang tema ng sining, panitikan at politikang pangkultura sa Pilipinas. Maituturing ito na isang mapangahas at mapanghamong pagsubok. Isang kornukopya ng pagsisikap mailangkap ang minanang tradisyon at hinirang na mga pagkakataon sa kolektibong karanasan ang layon. Ipinagsiping ang pangitaing hinirang at tinubuang dalumat. Mula pa sa unang libro niyang Ang Sining ng Tula noong dekada 1960 hanggang sa Himagsik: Tungo sa Mapagpalayang Kultura (DLSU Press) ng dekada 1980-1990, sinikap itaguyod ng awtor ang buhay sa loob ng wikang Filipino. Sa wika ng masang anak-pawis lamang maisasakatuparan ang tunay na kalayaan, sa diskurso ng sambayanang mulat at lumalaban upang makamit ang katarungan, pambansang demokrasya, at makabuluhang kasarinlan. Nawa’y makatulong ang proyektong ito sa tagumpay ng anti-imperyalistang pagbabangong lumalagablab sa ating bayan at sa mga bansang kapanalig saanmang lupalop ng daigdig ngayon.
Si E. SAN JUAN, JR. ay emeritus professor sa English, Comparative Literature & Ethnic Studies, Washington State University. Kasalukuyang professorial lecturer sa Polytechnic University of the Philipines; at dating fellow ng W.E.B. Du Bois Institute, Harvard University; at Harry Ransom Center, University of Texas. Nagturo rin siya sa Leuven University, Belgium; University of Trento, Italya; Tamkang University, Taiwan; at University of the Philippines. Kalalathala ng libro niyang Between Empire and Insurgency: The Philippines in the New Millennium (University of the Philipppines Press) at Balikbayang Sinta: An E. San Juan Reader (Ateneo de Manila University Press).