Dr. Jose M. de Mesa

Conferred AY 2006-2007

 

Status: RETIRED | Rank: FULL PROFESSOR | Department: THEOLOGY AND RELIGIOUS EDUCATION | College: COLLEGE OF LIBERAL ARTS | Present Role in the University: PROFESSORIAL LECTURER
 

Professional Profile:

Ang aking pagiging University Fellow ay tinuturing kong isang tanging pagkilala na ang aking pag-iisip, pagtuturo, pananaliksik, at pagsusulat ay nakapagbigay daan sa iba ng pagkakataon na mabighani sa kagandahang-loob ng Diyos at magtiwala at makahugot ng inspirasyon kay Hesus ng Nazareth sa pamamagitan ng ganda ng ating kulturang Filipino. Ito rin ang patunay na unti-unti akong naka-aambag sa pagbubuo ng isang Filipinong tradisyon ng teolohiya katulad ng tradisyong teolohiko na Romano na aking unang natutunan.

Hindi ko rin makakaila na malaking karangalan ang pagiging isang Fellow. Sumasaklaw ito sa aking pinagdaanan. Ito’y pinangunahan nang aking natanggap ang pambansang Gawad ng Pagkilala (1991, Linangan ng Mga Wika sa Pilipinas) sa aking naiambag sa intelektualisayon ng wikang Filipino sa larangnan ng teolohiya, isang bagay na isinusulong ni Br. Andrew Gonzales, FSC noong siya’y nabubuhay pa at, lingid sa kaalaman ng marami, nais din niyang personal na magpakadalubhasa sa teolohiya. Itinaguyod at sinimulan rin niya ang pagkakaroon ng isang pilíng lupon ng mga guro sa DLSU na magsisilbing huwaran sa sigla at gana ng pag-aaral, pananaliksik, paglalathala at pagtuturo. Malaking bagay ang personal na pagtitiwala niya sa aking kakayahan. Pinalad akong mapabilang sa lupong ito.

Akin din minimithi na, sa pagkilala sa akin bilang Fellow, mailagay ang DLSU sa mapa ng teolohiya, na isa itong institusyon na maaasahan na mag-ambag sa daigdig ng pagteteolohiya sa pamamagitan na pananaliksik, paglalathala at pagtuturo. Ginawaran ako ng Pagkilala ng Missionswissenschaftliches Missio noong 2000 bilang isang teologo sa pandaigdigang larangan ng teolohiya na naka-ambag sa pagsulong ng pangkasalukuyang teolohiya. Isinama din ang aking pangalan sa isang international dictionary, An Introductory Dictionary of Theology and Religious Studies (Liturgical Press, 2007) bilang may natatanging paraan ng pagsasakultura ng teolohiya.

Sana ang mga parangal na ito ay magsilbing tulay para sa iba na nais sumama sa daan na aking tinatahak, lamang hindi sa kahalintulad ng paraan, kung di sa tangi at sarili nilang estilo. Kung maihahambing ko ang sigla at gana ng pananaliksik sa apoy na lumiliyab sa loob ko, di ko nais maisalin ang apoy na ito na para ako tularan, kundi sila mismo ay humanap at lumikha ng sariling nilang liyab sa loob.