MALAY

(ISSN-0115-6195)

Preliminaries

TOMO XXXVI BLG. 1 • DISYEMBRE 2023

Pahina 1-22

Si Clodualdo del Mundo, Sr. (1911–1977) ay naging tanyag bilang manunulat para sa iba’t ibang plataporma sa loob ng mahigit apat na dekada—mula 1929 hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1977. Bilang isa sa tinaguriang “tatlong hari” noong gintong panahon ng Pilipino Komiks, ilan sa mga sinulat ni del Mundo ang Prinsipe Amante, Malvarosa, at Magnong Mandurukot. Nakatuon ang papel na ito sa isang aspekto ng karera ni del Mundo na hindi gaanong nabibigyang pansin: ang kaniyang pagiging manunuri at komentarista. Ang kaniyang mga naisulat na panunuring pampanitikan at artikulo ukol sa kulturang popular ay nalathala sa kaniyang mga kolum na pinamagatang “Ang Tao sa Parolang Ginto” at “Ang Sining ng Bansa” pati na sa kaniyang aklat na Mula sa Parolang Ginto na lumabas noong 1969.
Tinalakay naman niya ang mga sosyo-politikal na isyu bilang komentarista sa radyo noong dekada ’40 at ’50 at bilang manunulat ng editoryal para sa Liwayway noong dekada ’60. Karamihan ng mga artikulong tinalakay sa pananaliksik na ito ay kasama sa Clodualdo del Mundo, Sr. Collection na ibinahagi ng pamilya del Mundo sa Pamantasang De La Salle–Maynila noong 2012 bilang bahagi ng pagdiriwang ng sentenaryo ng kapanganakan ng namayapang manunulat. Sa kasalukuyan, ang mga nasabing materyal ay nasa archives section ng aklatan ng DLSU Manila. Sa pananaliksik na ito, ang mga akda ni del Mundo ay naorganisa sa tatlong tema: mga komento sa kulturang popular, sa panitikan, at sa mga sosyo-politikal na isyu. Nagsagawa rin ng karagdagang pananaliksik para mapatibay ang kontekstong pangkasaysayan ng mga akda ni del Mundo.
Lumalabas sa pag-aaral na ito na nagamit ni del Mundo ang kaniyang papel bilang isang pampublikong intelektuwal at kritiko ng panitikan at kulturang popular upang ibahagi ang kaniyang mga pananaw tungkol sa iba’t ibang sosyo-politikal na isyu noong siya’y nabubuhay pa. Nagamit din niya ang nasabing pedestal upang isulong ang kaniyang mga adbokasiya gaya ng pag-aangat o pagtataguyod sa wikang pambansa at pagpapataas sa pamantayan ng kulturang popular sa bansa. Sa maraming konteksto, masasabing ang mga perspektiba ni del Mundo sa mga isyu ay may halaga pa rin hanggang sa kasalukuyan.

Mga Susing Salita: Clodualdo del Mundo, Sr.; kasaysayan ng panitikang Pilipino; kasaysayan ng panunuring pampanitikan; kasaysayang intelektuwal; mga komentarista sa Pilipinas

Pahina 23-32

Sa pag-aaral na ito, tututukan ang naging pagbasa at paglapit ni Bayani S. Abadilla sa kaniyang amang si Alejandro G. Abadilla o AGA na tinaguriang rebeldeng manunulat sa kasaysayang pampanitikan ng Pilipinas at itinuturing na “Ama ng Modernong Panulaang Tagalog” sa ating bansa. Gamit ang akda ni B. Abadilla na may pamagat na “Ang Artista sa Dinamismo ng Sikohistorya” na nailathala noong 2003, naglalayon ang pag-aaral na ito na muling usisain ang ako at ang daigdig sa tulang “Ako ang Daigdig” ni AGA at muling sipatin ang kaakuhan ng rebeldeng makata na minsan nang pinagdudahan ng marami dahil tila mapang-angkin daw at nagtataglay lamang ng pilosopiyang pansarili, hindi panlipunan.

Mga Susing Salita: “Ako ang Daigdig”; Alejandro G. Abadilla; Bayani S. Abadilla; dakilang pagwawasak; modernong panulaang Tagalog

Pahina 33-44

Tinunton ng pag-aaral ang pagsisimula ng paggamit sa larawan ng Mutya ng Pasig—kung paano ito binigyang kahulugan at ang nosyong nakapaligid dito. Ipinalalagay ng pag-aaral na ginamit ng lokal na elite, gobyerno, at mga organisasyong sibiko ang imahen ng Mutya ng Pasig sa konteksto ng produksiyon ng pagkakakilanlan nito. Ang paggamit ng nasabing imahen ay nakakandili at pinagtibay ng politika at ng ideolohikal na ugnayan ng sining at panlipunang dominasyon. Ito ang sinasabing pagsusuri sa hegemonya sa lipunan.
Sa tulong ng masigasig na pangangalap ng mga primarya at sekondaryang batis mula sa mga sinupan ng kaalaman, kahit paano ay sinagot ang layunin ng pag-aaral. Sa kritikal na pagbasa, ang mga imahen ay sinuri at tinalakay gamit ang semyotikong pagsusuri ng sining. Masasabing ang produksiyon ng mutya bilang anyo ng sining ay dumaan sa pagiging inobatibo, transmedia, at translokal. Ang mga katangiang ito ay umugnay sa ambag sa larang ng aralin sa sining, sosyolohiya, at kasaysayan. Sinikap ng pag-aaral na tuparin ang pagtawid sa mga tinukoy na disiplina. Sa ganitong kalakaran ay isiniwalat na ang larawan ng mutya ay tuwirang nakaranas ng transpormasyon at modipikasyon sa pangunguna ng mga lokal na pormasyon at dominasyon. Sila ang nagtanghal sa Mutya ng Pasig bilang opisyal na logo, kultural na aktibidad, mga patimpalak sa kagandahan, at mga pagkilala.
Hindi matatawaran kung titingnan ang kasaysayan ng Pasig, makikita natin na ang mismong imahen ng Mutya ay ginamit bilang isang makapangyarihan at mabisang kasangkapang pang-ideolohiya para sa pagpapatahimik at paghahari sa kultura at lipunan ng Pasig. Sa pamamagitan ng pagkonsumo ng imahen at imahen ng Mutya naipon at tinatanggap ng mga tao ang iba’t ibang ideolohiya at kaalaman. Sa pangkalahatan, pinalalakas ng gawaing ito ang ideya na ang sining ay isang signifying practice. Ibig sabihin, ang sining ay maaaring puhunan ng mga kahulugan ng lokal o maging sa labas ng mga dominasyon upang magtrabaho para sa mga interes at politika sa loob ng lokalidad at/o kahit para sa bansa.

Mga Susing Salita: : hegemonya, kuwentong bayan, lokal na kasaysayang pansining, mutya, Pasig

Pahina 45-59

Sa lipunang may pagtangi sa mga Overseas Filipino Worker bilang “Bagong Bayani,” marami ang umaasang magtatagumpay sila sa kanilang pakikipagsapalaran sa ibang bansa. Sa usapin ng kapakanan ng mga nagsiuwiang OFW, malimit matuon ang diskusyon sa mga salik na pang-indibidwal—sa kaalaman nila sa pagpaplanong pampinansiya, sa kakayahan nilang magdesisyon, at kakayahang dumiskarte kapag hindi natutupad ang mga inaasahan. Mahalaga rin ang ideya ng matagumpay na pagtanda, na tinitingnan ang katandaan bilang panahon ng patuloy na mabuting kalusugan at pakikilahok sa lipunan. Sa papel na ito, ibig kong bigyang pansin ang mga diskursong ginagamit ng mga nakatatandang babae na dating OFW upang ipaliwanag ang kanilang kalagayan. Gamit ang post-estrukturalismo bilang lapit sa wika sa thematic analysis ng pakikipagkuwentuhan sa siyam na nag-“for good” na OFW, nais kong ihain na mahalagang alternatibo ang paggamit ng malas at suwerte bilang paliwanag laban sa dominanteng diskurso ng indibidwal na responsabilidad para sa pansariling tagumpay. Nagbibigay sa mga kalahok ng kritikal na paningin sa diskurso ng indibidwal na responsabilidad na nakapaloob sa mga ideya ng Bagong Bayani at matagumpay na pagtanda ang pagkakaroon ng personal na karanasan ng kakitiran ng mga oportunidad at ng kabigatan ng mga panlipunang ekspektasyon. Subalit, kapaki-pakinabang man ang diskurso ng suwerte upang manatili ang positibong pagtingin sa sarili ng indibidwal sa kabila ng kabiguan, nananatiling matatag ang diskurso ng indibidwal na responsabilidad dahil hindi naipapasok sa diskurso ang malaking papel ng panlipunang mga salik at mga sistemang pang-ekonomiko at politikal na kinasasapian ng mga indibidwal.

Mga Susing Salita: Bagong Bayani; matagumpay na pagtanda; Overseas Filipino workers; sikolohiyang peminista; Sikolohiyang Pilipino

Pahina 60-76

Laging nakaugnay ang pagtingin sa Navotas bilang pangunahing bagsakan ng isda sa Pilipinas dahil dito matatagpuan ang pinakamalaking daungan sa bansa na tinatawag na Navotas Fish Port Complex o NFPC. Tunay nga na nakatulong ang pagiging tabing-dagat ng Navotas kaya nakapagbigay ang NFPC ng malaking trabaho sa loob at labas ng lungsod na may kinalaman sa bentahan o paggawa ng produktong isda. Hangad sa papel na ito na makita ang mga proseso ng bentahan ng isda sa limang Market Halls ng NFPC. Ginamit ang teoryang socio-economic geography bilang pangunahing batayan ng pagsusuri ng bentahan ng isda mula sa pagbaba ng isda sa tiyak na puwesto hanggang maibenta ito sa mga mamimili. Binuo ang pag-aaral na ito batay sa tatlong layunin. (1) Ang sakop ng lokasyon ng Navotas Fish Port Complex, (2) ang proseso ng bentahan sa tiyak na Market Halls gamit ang socio-economic geography, (3) ang mga hakbangin ng Navotas upang paunlarin ang Navotas Fish Port Complex. Sa kabuuan, naipakita na malawak ang lokasyon ng NFPC ngunit mayroong tiyak lamang na lugar ng bentahan sa Market Halls na mayroong magkakaibang paraan ang bawat pamilihan gamit ang kanilang estilo, kabihasaan, at pakikipagpalagayang-loob. Hangad sa huli na patuloy na yumabong ang bentahan dahil sa kasalukuyang rehabilitasyon na magpapaigting ng silbi ng Navotas Fish Port Complex.

Mga Susing Salita: bentahan, Market Halls, Navotas, Navotas Fish Port Complex, Socio-economic Geography

Pahina 77-97

Itinuturing ang mga librong pambata bilang daluyan ng politikal na pagkamulat at sosyalisasyon ng kabataan tungo sa isang edukasyong pansibika. Ibig sabihin, maaaring itampok ang mga politikal na tema sa mga kuwentong pambata. Mahalagang maipaalala ng mga manunulat sa kabataan ang halaga ng liberal na demokrasya sa pamamagitan ng panitikan. Natagpuan na masyadong manipis ang mga pag-aaral tungkol sa mga aklat pambata na pumapaksa sa kasaysayan ng Batas Militar noong dekada ’70. Nais buksan ng pag-aaral ang pagsusuri sa kuwento at ilustrasyon ng apat na kuwentong pambata na inilimbag mula 2000 hanggang 2018 na pumapaksa sa Batas Militar. Gamit ang masinop na pagbasa sa pamamaraan ng ideolohikal na kritisismo sa mga kuwento at koda sa ilustrasyon ng mga kuwentong pambata, inalam sa panimulang sarbey na ito kung ano ang representasyon ng mga bata, mga martir, mga aktibista, at mga elemento ng estado at kung bumabalikwas ba ang mga kuwento sa nakasanayan o inuulit lamang nito ang mga mito ng Batas Militar. Natukoy ang matinding pagkiling ng mga kuwento sa liberal na demokrasya. Gayundin, nadiskubre na may dalawang uri ng representasyon ng mga bata, ang pasibong naghihintay ng EDSA at ang batang aktibong nakikilahok sa kilusang makabayan laban sa diktadurya.

Mga Susing Salita: Batas Militar, EDSA, ideolohiya, liberal na demokrasya, panitikang pambata

Copyright @2017 De La Salle University Publishing House.