Pagbasa at Paglapit ng Anak na si Bayani S. Abadilla sa Daigdig ng Kaakuhan: Si Alejandro G. Abadilla at ang Dakilang Pagwawasak

Romeo P. Peña

 

Abstrak

Sa pag-aaral na ito, tututukan ang naging pagbasa at paglapit ni Bayani S. Abadilla sa kaniyang amang si Alejandro G. Abadilla o AGA na tinaguriang rebeldeng manunulat sa kasaysayang pampanitikan ng Pilipinas at itinuturing na “Ama ng Modernong Panulaang Tagalog” sa ating bansa. Gamit ang akda ni B. Abadilla na may pamagat na “Ang Artista sa Dinamismo ng Sikohistorya” na nailathala noong 2003, naglalayon ang pag-aaral na ito na muling usisain ang ako at ang daigdig sa tulang “Ako ang Daigdig” ni AGA at muling sipatin ang kaakuhan ng rebeldeng makata na minsan nang pinagdudahan ng marami dahil tila mapang-angkin daw at nagtataglay lamang ng pilosopiyang pansarili, hindi panlipunan.