Apolinario Mabini—Diyalektika ng Representasyon at Pahiwatig sa Buhay at Gawa ng “Dakilang Lumpo”

E. San Juan, Jr.

 

Abstrak

Umiikot sa diyalektika ng mga papel na ginampanan ng katawan at talino ang wastong pagkilala sa kadakilaan ni Mabini. Tangka ng akdang ito ang sintomatikong pagbasa sa talambuhay ng bayani at tema ng kaniyang diskursong politikal. Gamit sa analisis ang punto-de-bista ng materyalismong historikal na nakatutok sa samotsaring kontradiksiyon sa bawat pangyayari, nabunyag sa repleksiyon ni Mabini ang udyok na pag-ugnayin ang kontradiksiyon ng nayon at lungsod, ng pesanteng uri at kapalarang burgis, ng pagmaniobra sa ideolohiya at armadong pakikibaka. Nasalamin ng kaniyang mga lenteng radikal ang mga pagbabago sa mundo. Naging maakit na estigmata ng paghulagpos ang estigma ng sakit ng katawan. Nalunasan ang pagkabigo ng rebolusyon sa muling pag-alay ng sigla sa humanistikong paninindigan na ang batas-natural ay batay sa rason, dangal/puri at hustisya. Naging hikayat sa bayani na ipanata ang buhay sa pangako ng nagsasariling bansa ang kaniyang pagkadestiyero. Naisakatawan ng isip ni Mabini ang isang simbolikong kapangyarihan na siyang magbubunsod sa katarsis ng kolektibong kaluluwa sa mobilisasyon ng komunidad at paghubog ng nasyonal-popular na hegemonya. Sa La revolucion Filipina at iba pang akda, matutuklasan natin ang kontra-imahen sa paralisadong pigura. Itinanghal ng kaniyang testimonya ang makatwirang pasya na pagnilayin ang mga pagbuo ng rebolusyonaryong sabjek o ahensiya ng pagbabagong-buhay at pagkamit ng soberanya.