Ang Espasyo ng Espasyo sa Araling Pilipino Batay sa Debateng “North–South” sa Metro Manila / The Space for Space in Philippine Studies Based on the “North–South” Debate in Metro Manila

Michael D. Pante

 

Abstrak

Ano ba ang gitna ng Metro Manila? Taga-North o taga-South ka ba? Sa mga nakalipas na taon, isang hindi-mamatay-matay na debate sa social media ang pagsagot sa mga tila simpleng tanong na ito. Bagama’t masasabing walang maayos na kalutasan ang balitaktakang ito, dalawang mahalagang punto ang mapupulot. Una, malinaw na mayrong mayabong at taal na diskursong pang-espasyo ang mga Pilipino para unawain ang kanilang posisyon—sa parehong literal at di-literal na kahulugan—sa lipunan. Ikalawa, at mas mahalaga, tila hindi nakasasabay ang akademikong diskurso sa bilis ng pagbabago sa aktuwal na danas ng mga tao sa iba’t ibang nosyon ng lapit, layo, at lunan. Kakatwa ang ganitong makupad na pag-unlad kung iisipin na nabibilang ang tinaguriang debateng “North–South” sa mahabang listahan ng mga kolokyal na konseptuwalisasyong pang-espasyo, kahanay ng mga salitang “jeprox,” “promdi,” at “looban.” Layon ng sanaysay na ito, sa tulong ng mga konsepto mula sa araling Timog-silangang Asya na nakatutok sa mga usaping urban, na matukoy ang mga butas ng kaalamang pang-espasyo sa araling Pilipino, ang limitasyon ng paggamit ng kolokyal na konseptuwalisasyon, at ang mga posibleng lunas sa mga nasabing kakulangan. Kritikal ang pagtugon sa suliraning ito lalo pa’t pinaiigting ng pandemya ang matagal nang pangangailangan para sa isang mayabong na bokabularyong magagamit sa usapin ng espasyo.