Pagdulog sa ’Gapo ni Lualhati Bautista: Rasismo, Maskulinistang Ideolohiya, at Himagsik ng Anakpawis sa Isang Alegoryang Pambansa / Engaging with the Novel ’Gapo by Lualhati Bautista: Racism, Masculinist Ideology, and Proletarian Revolution in a National Allegory
E. San Juan, Jr.
Abstrak
Sa pamamagitan ng karanasan ng mga tauhang tipikal, isinadula sa nobela ang magusot na ugnayan ng Filipinas at US. na nakaugat sa kolonyalismo. Nakasalig ito sa kapitalistang lakas ng US at komodipikasyong umiiral. Ang krisis ng neokolonya ay isinalarawan sa pagpatay sa isang Filipinong trabahador sa loob ng base na hindi ginawaran ng makatarungang imbestigasyon. Isinudlong dito ang pagpaslang sa isang Kano ng isang anak-sa-ligaw, hatiang Filipino–Amerikano, na ikinulong at naghihintay ng paglilitis. Ang pook ng ’Gapo ay tanghalan ng tunggalian ng puwersang umaapi, ang imperyong US at kolonisadong lumalaban sa pagsasamantala. Umiikot ang salaysay sa kumplikadong kalagayan nina Mike Taylor Jr., ang “bastardo;” Modesto (kinatawan ng mga empleyado sa base); Alipio (baklang ayaw maging ama o ina), at Magda (biktima ng pinaslang na Kanong “customer”). Bukod sa ideolohiya ng maternidad na umuugit sa praktika ng kababaihan, ang problemang itinampok ay lantad na rasismo at seksismong kalakip sa imperyalistang paniniil. Sinipat dito kung paano nairesolba ang krisis ng identidad sa bisa ng pambansang alegorya, at sinuri ang halaga ng nobela bilang pagunita sa hamon ng krisis, ng suliranin nina Mike at Magda, nakabitin sa sitwasyong naranasan ni Jennifer Laude, ang huling biktima ng US hegemonya.