Higit pa sa Raket!: Pagtatasa sa mga Pangangailangan ng Pagsasalin bilang Isang Propesyon sa Pilipinas batay sa Karanasan at Saloobin ng Piling Tagasalin sa Metro Manila / More than just a Racket!: A Needs Assessment of Translation as a Profession in the Philippines based on the Experiences and Perspectives of Selected Translators in Metro Manila

Wennielyn F. Fajilan

 

Abstrak

Bilang mga natatanging dalubhasang pangwika, mahalaga ang tungkulin ng mga tagasalin sa palitan at pagpapalawig ng kaalaman sa pagitan ng mga kultura. Tulad ng iba pang manggagawang pangkultura, may mga tungkulin, karapatan at pangangailangan ang mga tagasalin na humuhubog sa istatus ng kanilang propesyon. Sa konteksto ng Pilipinas, patuloy na mapanghamon ang propesyonalisasyon ng mga tagasalin dahil sa kawalan ng malinaw na direksiyon ng larang na ito bilang isang propesyonal na industriya. Layunin ng papel na mailahad ang mga pangangailangan ng mga tagasaling Filipino bilang isang tiyak na propesyon batay sa pagtanaw sa larang ng pagsasalin bilang bahagi ng ugnayan ng network ng mga sistemang panlipunan ayon sa lapit na polysystem at sa konsepto ng needs assessment o pagtatasa ng pangangailangan ng mga tagasalin bilang isang tiyak na industriya na maaaring maging batayan sa pagbuo ng mga makabuluhang programa para sa kagalingan ng mga tagasaling Filipino. Sa pamamagitan ng panunuri sa resulta ng sarbey sa karanasan at saloobin ng 113 na tagasalin sa Metro Manila, naimapa ang kalagayan at suliranin ng mga tagasalin batay sa istatus ng trabaho, mga uri ng salin, mga pagsasanay, pagtiyak sa kalidad ng salin at pagkilala sa propesyon. Pinatunayan ng pag-aaral na kailangan ang aktibong suporta ng pamahalaan at ang pagbubuklod ng mga tagasalin upang makamit ang propesyonalisasyon ng mga tagasaling Filipino.