Sunurang Pagtamo ng mga Batayang Pangungusap ng Filipino bilang Ikalawang Wika ng mga Mag-aaral na Tsino, Hapones, at Koreano: Isang Panimulang Pag-aaral/Acquisition Order of Basic Sentences in Filipino as a Second Language for Chinese, Japanese, and Korean Learners: A Preliminary Study

Ronel O. Laranjo

 

Abstrak

Matagal nang pinag-aaralan ng mga banyagang mag-aaral ang Filipino bilang ikalawang wika sa loob at labas ng Pilipinas. Karamihan sa mga pananaliksik kaugnay rito ay nakatutok sa pagdebelop ng pedagohiya upang mas epektibong maituro at matutuhan ang estruktura ng wikang pambansa. Nagbibigay ng bagong perspektiba ang pananaliksik na ito sa pamamagitan ng pagtutok sa mismong proseso ng pagkatuto at pagtamo ng Filipino bilang ikalawang wika. Gamit ang Teorya ng Panggitnang Wika, layunin ng pananaliksik na ito na matukoy ang sunurang pagtamo ng mga batayang pangungusap at mga morpema sa loob nito sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga estrukturang napoprodyus ng mga banyagang mag-aaral. Nangolekta ang mananaliksik ng pasulat na sampol ng wika sa 23 piling mag-aaral mula sa mga unibersidad sa Tsina, Hapon, at Korea na may mababa hanggang mataas na antas ng kasanayan sa Filipino. Batay sa mga datos na nakalap, lumalabas na iisa lang ang tendensiya ng sunurang pagtamo ng mga batayang pangungusap at mga morpema sa loob nito sang-ayon sa antas ng kasanayan at unang wika ng mga banyagang mag-aaral. Naobserbahan na unang natatamo ang mga pangungusap na di-verbal kaysa mga pangungusap na verbal. Sa mga pananda, ang marker ng simunong ang/si ang mas maagang natatamo ng mga banyagang mag-aaral kompara sa ibang pananda kaya naman mas una ring natatamo ang mga panghalip na ako/siya/kami kaysa ko/niya/nila. Sa dalawang porma naman ng pang-angkop, unang natatamo ang na kaysa -ng. Nakapaghain din ang pananaliksik ng mga implikasyon nito sa pagtuturo ng estruktura ng wikang Filipino bilang ikalawang wika ng mga banyagang mag-aaral.