Bakit Dapat Manaliksik sa Filipino Ang Mga Pilipino?: Kritik sa Scopus-sentrismo ng Mga Unibersidad at Ahensiyang Pang-Edukasyon at/o Pampananaliksik sa Pilipinas /Why Filipinos Should Write Researches in Filipino?: A Critique of Scopus-Centrism in Philippine Universities and Educational and/or Research Agencies
David Michael San Juan
Abstrak
Ang Scopus ay isang database ng mga piling journal na itinuturing nilang de-kalidad/de-kalibre. Pag-aari ito ng Netherlands-based na kumpanyang Elsevier, at isa rin sa mga karaniwang batayan ng mga panukatan (metrics) sa mga pagraranggo ng mga unibersidad sa buong daigdig. Bunsod ng nabanggit na realidad, kapansin-pansin ang pag-iral ng Scopus-sentrismo—ang pagkiling sa Scopus bilang isa sa mga pangunahing batayan ng de-kalidad na saliksik – sa mga polisiya ng mga unibersidad sa bansa at ng mga ahensiyang pang-edukasyon at/o pampananaliksik. Sa ganitong konteksto, layunin ng papel na ito na 1) makapagbigay ng makabuluhang impormasyon tungkol sa Scopus at sistema ng mga database ng abstrak at citation; 2) mailarawan ang pangingibabaw ng Scopus-sentrismo (lubos na pagpabor/pagkiling sa Scopus bilang pamantayan ng mahusay at tinatanggap na saliksik) sa mga ahensiya ng gobyerno at mga unibersidad sa bansa; at 3) makapagbigay ng kritik sa Scopus-sentrismo sa Pilipinas. Sa pangkalahatan, replikasyon ito ng kahawig na pag-aaral ni Ramon Guillermo hinggil sa Institute for Scientific Information o ISI, na inilathala ng Asian Studies noong 2000.