Ilang Repleksiyon sa “Utak Mo May COVID” bilang Sinulti at Ekspresyon sa Social Media/Reflections on “Utak Mo May COVID” as Sinulti and Expression in Social Media
Mark Anthony S. Angeles
Abstrak
Madalas gamitin sa social media ang ekspresyong “utak mo may COVID.” Mayroon itong temporal na dimensiyon, dahil nakatali ito sa pagbansag ng World Health Organization sa sakit na dala ng SARS-CoV-2 bilang COVID-19, noong 11 Pebrero 2020. Sa pag-aaral na ito, ginamit ang salitang Sebuwano na sinulti bilang katumbas ng lingguwistikong terminong utterance. Tataluntunin ang pinagmulan nito, bilang deribasyon ng isang ekspresyong tumahak sa ibang direksiyon sa social media. Hihimayin din ang leksikal at semantikong kahulugan ng bawat salita sa ekspresyon, para patunayan kung bakit naging epektibo ang mga ito, sa pagdaan ng maraming taon, bilang isang retorika ng pang-iinsulto. Sa huli, iuugnay ang ekspresyon sa mga katangian at gahum ng wika—kung bakit nagagamit ito para maiangat o maibagsak, kahit sa nibel na simboliko, ang estado sa lipunan ng nagsasalita at pinatutungkulan ng insulto.