Gamit ng Wikang Filipino sa Proseso ng Paglilitis: Kaso ng Children in Conflict with the Law sa Makati City Hall–RTC Sangay 3, 136, 140, at 144/Use of Filipino Language in the Litigation Process: Case of Children in Conflict with the Law in Makati City Hall–RTC Branch 3, 136, 140, and 144
Pherese Sulit and Gerard Concepcion
Abstrak
Problemang maituturing dahil Ingles ang wikang ginagamit sa mga korte ng Pilipinas. Kung hindi sanay o maalam ang nasasakdal sa wikang ginagamit ng hukuman partikular sa kabuuang proseso ng paglilitis, malaki ang posibilidad na magdulot ito ng hindi pagkakaunawaan. Natatangi ang sitwasyon ng Children in Conflict with the Law (CICL) sa sistemang legal ng bansa. Liban sa ipinagkakaloob sa kanila ang alternatibong pagpataw ng kaparusahan na kaiba sa mga kadalasang sumasailalim sa prosesong legal, sila rin ang sektor na kadalasang hindi sanay gumamit ng wikang Ingles. Bunsod ng kanilang sitwasyon, mahalaga ang nagiging gamit ng wikang Filipino sa kabuuang proseso ng kanilang paglilitis. Layunin ng pananaliksik na matalakay ang gamit ng wikang Filipino sa mga yugto ng proseso ng paglilitis ng CICL. Tinutukan ang mga kaso ng CICL sa Makati City Hall Regional Trial Court, ang isa sa may pinakamararaming kaso ng CICL sa Kalakhang Maynila mula sa mga Sangay 3, 136, 140, at 144—na pinoproseso ang mga kaso ng CICL. Gamit ang mga pamamaraang obserbasyon, panayam, at talatanungan sa paglikom ng datos ay natuklasan sa pananaliksik ang gamit at halaga ng wikang Filipino sa paglutas ng mga kaso ng CICL. Sa huli, iginigiit ng pananaliksik ang patuloy na pagdidiskurso sa sitwasyong pangwika ng Filipino sa mga korte ng bansa, at sa kagyat na pagsusulong ng malawakang adyenda sa lalong pagpapalakas ng wikang Filipino sa usapin ng batas sa Pilipinas.