Makabayang Pedagohiya: Pagdalumat, Proseso, at Output /
Nationalist Pegdagogy: Analysis, Process, Output

Voltaire M. Villanueva

 

Abstrak

Hinihingi ng panahon na makita sa kurikulum ang pagtataguyod ng makabayang edukasyon. Mahalagang makita ito sa aktuwalisasyon gamit ang isang dulog, paraan, o metodo ng pagtuturo. Bahagi ng panukalang makabayang edukasyon ang pagsanibin ang iba’t ibang ugnayan: guro-mag-aaral, nilalaman-pamaraan, at kasanayan-kapangyarihan na pinagtibay ng binuong mga bagong kurso upang itanghal ang diwang nasyonalismo. Sa pananaliksik na ito, naging batayan o konteksto upang dalumatin ang makabayang pedagohiya ang tatlong umiiral na bagong kurso sa Filipino sa Pangkalahatang Edukasyon mula sa hamon at panukala ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon. Pinagtibay ng mga kurso ang mithiing magkaroon ng tiyak na pundasyong makabayang pedagohiya ang bawat magiging guro mula sa Pamantasang Normal ng Pilipinas. Tiniyak ang panukalang pananaw sa dinalumat na makabayang pedagohiya mula sa binuong silabus upang itampok ang pekulyaridad ng makabayang pedagohiya. Mula sa payak na paglalarawan ng makabayang pedagohiya sa konteksto ng mga kurso, ambag ng pananaliksik ang yugto kung paano magplano, bumuo, at magpatupad ng isang pamamaraan upang matugunan ang kahingiang panlipunan. Bukas sa pagpapatuloy ang pananaliksik mula sa nakitang tugon ng guro at mag-aaral na isulong ang makabayang pedagohiya sa iba’t ibang kurso upang tiyakin ang adhikaing makalikha ng buo at ganap na mag-aaral.