Si Mara, si Tara, at si Vhaya: Tatlong Case Study tungkol sa Batangueñang E-trepreneurship Gamit bilang Lente ang Modipikadong Teorya ng mga Kapital ni Pierre Bourdieu / Mara, Tara, and Vhaya: Case Studies on Batangueña E-trepreneurship Using Pierre Bourdieu’s Modified Theory of Capitals

Analiza D. Resurreccion, F.P.A. Demeterio III

 

Abstrak

Matatagumpay na e-trepreneurs sina Mara Jessa Adarlo, Tara Denisse Cleofe-Gutierrez at Genevieve “Vhaya” Gabilan-De Veyra sa probinsiya ng Batangas, Pilipinas. Si Pierre Bourdieu ay isang post-Marxistang pilosopong Pranses na nagmungkahing ang kapital ni Marx ay hindi sapat na dalumatin lamang bilang pinansiyal na kapital. Sa halip, naghain si Bourdieu ng apat na uri ng kapital: ang pang-ekonomiko, kultural, panlipunan, at simbolikong kapital. Pinagpasyahan ng mga may-akda na idagdag sa apat na ito ang emosyonal na kapital dahil sa konteksto ng araling Pilipino, mahalagang salik ang lakas ng loob at mga pinaghuhugutan ng inspirasyon bilang ilan sa mga pundasyon ng tagumpay. Gamit ang metodo ng case study, sinuri ng papel na ito kung paano hinubog ng limang kapital ang bawat e-terprise ng nasabing tatlong Batangueña, at kung paano naman binago ng kani-kanilang e-terprise ang kani-kanilang limang kapital. Lumabas sa pagsusuri na ang kultural at simbolikong mga kapital ang dalawang pinakamahalagang pundasyon ng kanilang e-trepreneurship, habang ang pang- ekonomiko at kultural na mga kapital naman ang dalawang pinakabinago ng kanilang e-trepreneurship. Ang kaalamang nakalap ng papel na ito ay mahalaga bilang inisyal na hakbang para unawain ang anyo ng Batangueñang e-trepreneurship, ng Pilipinang e-trepreneurship, at pati na ng e-trepreneurship sa Pilipinas. May teoretikal na kontribusyon din ang papel na ito sa puntong sinubukan nitong maglahad ng modipikasyon sa tanyag nang teorya ng mga kapital ni Bourdieu.