Rehistro ng Wika ng mga Camarero sa Lungsod ng Makati /
Language Registers of Camareros of Makati City

Marianne C. Ortiz, Alvin M. Ortiz

 

Abstrak

Sa Pilipinas na itinuturing na Katolikong bansa, higit na pinag-uukulan ng atensiyon ng mga Pilipino ang taimtim na pagdiriwang sa Semana Santa kaysa palipasin ang panahon ng tag-init sa pagbabakasyon dahil sa paniniwalang ito’y paggunita sa pinagdaanan at sakripisyo ni Hesukristo mula sa pagpasan niya ng krus hanggang sa kaniyang pagkamatay at muling pagkabuhay. Ipinagdiriwang ang semana santa sa halos malaking bahagi ng Pilipinas. Ang ilan sa mga gawaing kaugnay ng selebrasyong ito ay ang pagsasagawa ng mga pabasa, Visita Iglesia, at mga prosisyon. Prosisyon ang tawag sa paggamit ng replika o rebulto ng mga santo na kabilang sa kuwento pagpapakasakit ni Hesukristo. Sa Lungsod ng Makati, isinasagawa ang mga prosisyon tuwing Miyerkoles Santo at Biyernes Santo, ang mga santong ito ay pagmamay-ari ng mga tinatawag na camarero. Layon ng papel na ito na ilahad ang mga umiiral na rehistro ng Filipino na ginagamit ng mga camarero sa kanilang pakikipag-ugnayan sa kapuwa camarero. Sasaklawin ng pagtalakay sa papel ang mga korpus na makakalap mula sa kanilang pag-aalok, pagbibili, paghahanda, pagdadamit, at pagdedekorasyon sa mga alagang imahen sa tuwing ang mga ito’y ilalabas na para sa prosisyon ng semana santa.