MALAY

(ISSN-0115-6195)

Bagong Edisyon

TOMO XXXVI BLG. 2 • Hunyo 2024

Preliminaries

Mula sa Editor

Rowell D. Madula
Punong Editor

Dolores R. Taylan
Tagapamahalang Editor

TOMO XXXVI BLG. 2 • Hunyo 2024

Pahina 1-17

Ang demokratisasyon sa Pilipinas ay binabagabag ng mga aninong bumabalot sa mga mamamayan nito. Isa na dito ang kawalan ng kapangyarihang politikal na pawang nagbubukod at nagbubuklod sa mga ordinaryong mamamayan. Sila ay nawalay na sa politika, di lamang sa kanilang mga saloobin kundi pati na rin sa kanilang gawi. Mababa ang palagay nila sa kanilang pagiging mamamayan habang sa eleksiyon lamang sila malimit makilahok. Batay sa mga pangunahing obserbasyon na ito, aking ilalapat ang isang balangkas ng pagkakawalay pampolitika sa Pilipinas. Bilang gabay, susuriin ko ang mga katangian at dimensiyon ng pagkakawalay pampolitika’t kawalan ng kapangyarihan sa Pilipinas. Aking ipinapanukala na ang pagkakawalay pampolitika ay tumutukoy sa isang kondisyon, ugnayan, at proseso kung saan naniniwala ang isang mamamayan na hindi na niya kayang kontrolin at lubos na unawain ang mga usapin at gawaing pampubliko. Bukod pa rito, ang pagkakawalay na ito ay kaugnay ng di paglahok ng isang mamamayan sa mga gawaing pampolitika kahit na kinikilala niyang may epekto ang politika sa kaniyang pang-araw-araw na pamumuhay.

Mga Susing Salita: Alienation; Demokratisasyon; Kapangyarihan; Pagkamamamayan

Pahina 18-25

Maikling pagbasa ng mga kuwentong bayan sa dalawang bayang tanyag para sa ginto sa Camarines Norte ang papel na ito. Gamit ang malapitang pagbasa, sinuri ang mga elemento ng iba’t ibang bersiyon ng mga kuwento. Hiniram ang talinghaga ng pabirik sa paghahambing sa mga teksto upang ilarawan ang pagbabagong-anyo nito. Napansin na bumirik (umikot) ang mga kuwentong bayan mula sa larawan ng diwatang mapagbigay ng ginto tungo sa mga larawan ng Kristiyanismo. Ginamit ang post-kolonyal na konsepto ng teolohiya ng pakikibaka sa pagsuri sa mga pagbabago sa kuwentong bayan. Mas kumiling sa relihiyon ang mga larawan sa huling bersiyon ng kuwentong bayan at tinatantiyang nagamit ito upang mas maging maamo at masunurin ang mga Bikolnon sa mga bayan ng ginto upang tanggapin ang kanilang kahirapan, at upang umasa sa Kristiyanismo laban sa Islam. Nagtatapos sa mungkahing magsagawa ng multi-disciplinary na pag-aaral ng papel ng kultura lalo na ng relihiyon sa ekonomiya ng mahihirap na lalawigan sa Kabikolan.

Mga Susing Salita: Camarines Norte; Ekokritisismo; Ginto; Islam; Kuwentong bayan; Teolohiya ng paglaya

Pahina 33-44

Umiikot sa diyalektika ng mga papel na ginampanan ng katawan at talino ang wastong pagkilala sa kadakilaan ni Mabini. Tangka ng akdang ito ang sintomatikong pagbasa sa talambuhay ng bayani at tema ng kaniyang diskursong politikal. Gamit sa analisis ang punto-de-bista ng materyalismong historikal na nakatutok sa samotsaring kontradiksiyon sa bawat pangyayari, nabunyag sa repleksiyon ni Mabini ang udyok na pag-ugnayin ang kontradiksiyon ng nayon at lungsod, ng pesanteng uri at kapalarang burgis, ng pagmaniobra sa ideolohiya at armadong pakikibaka. Nasalamin ng kaniyang mga lenteng radikal ang mga pagbabago sa mundo. Naging maakit na estigmata ng paghulagpos ang estigma ng sakit ng katawan. Nalunasan ang pagkabigo ng rebolusyon sa muling pag-alay ng sigla sa humanistikong paninindigan na ang batas-natural ay batay sa rason, dangal/puri at hustisya. Naging hikayat sa bayani na ipanata ang buhay sa pangako ng nagsasariling bansa ang kaniyang pagkadestiyero. Naisakatawan ng isip ni Mabini ang isang simbolikong kapangyarihan na siyang magbubunsod sa katarsis ng kolektibong kaluluwa sa mobilisasyon ng komunidad at paghubog ng nasyonal-popular na hegemonya. Sa La revolucion Filipina at iba pang akda, matutuklasan natin ang kontra-imahen sa paralisadong pigura. Itinanghal ng kaniyang testimonya ang makatwirang pasya na pagnilayin ang mga pagbuo ng rebolusyonaryong sabjek o ahensiya ng pagbabagong-buhay at pagkamit ng soberanya.

Mga Susing Salita: : estigma; indibidwalismo; kolonyalismo; kontradiksiyon; rebolusyon; talambuhay

Pahina 45-56

Naging isang malaking hamon sa sektor ng edukasyon ang nakalipas na dalawang taong pampanuruan. Mula sa nakasanayang moda ng tradisyonal na pagtuturo, napilitan ang lahat na yakapin ang distance learning bilang paraan ng pagtatawid ng pagkatuto sa panahon na umiiral ang mga restriksiyon ng mga pampublikong pagtitipon dulot ng pandemyang hatid ng COVID-19 virus. Isa sa mga pinakaapektado ay ang pagtuturo ng asignaturang Readings in Philippine History sa kolehiyo lalo pa’t nakatuon ang layunin at kahingian ng kurso sa mga bagay na nangangailangan sana ng pisikal na interaksiyon. Naging isang malaking hamon ito sa mga gurong nagtuturo ng nasabing asignatura. Sa ganang ito, sasalaysayin ng papel ang karanasan ng limang dalubguro mula sa Departamento ng Kasaysayan ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas–Sta. Mesa sa pagtukoy kung papaano hinubog ng mga umiiral na institusyonal na polisiya, pangangailangan, at kakayahan ng mga mag-aaral, at mga personal nilang karanasan ang naging direksiyon ng pagtuturo nila ng RIPH sa apat na semestre ng taong pampanuruang 2020–2021 at 2021–2022.

Mga Susing Salita: Asignaturang Kasaysayan; Dalubguro; Distance Learning; Flexible Learning; Readings in Philippine History

Pahina 57-72

Ang Juan D. Nepomuceno Center for Kapampangan Studies (CKS) ay mahigit sa dalawang dekada nang umiiral. Kaugnay nito, ang mga bahay-saliksikan sa bansa, kabilang ito sa pinakamatagal at kompleto sa silid-aklatan, museo, tanghalan, at publikasyon. Pinroblematisa ng pag-aaral na ito ang daynamiks ng mga nagbubukod at nagbubuklod na katangian ng araling pampook at pambansa sa pamamagitan ng mga ideolohikal at teoretikal na basehan ng produksiyon ng kaalaman. Gamit ang translokal na dalumat, tiningnan sa pag-aaral ang mga gawain ng CKS sa pananaliksik, pag-eksibit at pagsisinop. Batay sa mga sipi ng Alaya research journal at Singsing magazine, nakakuha ng mga tema tulad ng kasaysayan, wika, at midya. Ang translokalidad ay nakatuon sa mga bukas at hindi-linear na mga proseso na nakagagawa ng ugnayan sa mga tao at pook. Ang daynamiks ng iba-ibang nagbubuklod at nagbubukod na daluyan ng pandarayuhan at ugnayan ay palagiang pinoproblematisa at tinatangkang masagot. Ang tinutukoy na daynamiks ng mga katangiang nagbubukod at nagbubuklod ay basehan ng umuusbong na Araling Filipino. Base sa mga piling artikulo sa Alaya at Singsing, ang mga tuon ng CKS na mga tema ay lokal na kasaysayan, wikang Kapampangan, at new media. Ang tagal at kompleksidad ng CKS ay nagsasanga at umuugat sa iba pang bahay-saliksikan kagaya ng Center for Tarlaqueño Studies, Bahay-Saliksikan ng Bulacan, Cavite and Cebuano Studies Center.

Mga Susing Salita: Araling Kapampangan, Ideolohikal at Teoretikal na Basehan, Produksiyon ng Kaalaman, Translokalidad

Pahina 73-90

Tinalakay sa papel na ito ang danas ng Generation Z na itinuturing bilang digital natives na pangunahing pinagkukunan ang Internet ng kanilang malawak na kaalaman at pagiging bukas sa mga radikal na perspektiba. Matapat na tinalakay ang mga isyung panlipunan na mailap pag-usapan dahil sa tradisyonal na kulturang Pilipino at konserbatibong pananaw ng kanilang kinalakhang pamilya. Nailahad din ang naging tugon ng pamahalaan upang masolusyunan ang ilang isyung kinakaharap ng Generation Z dahil sa maagang karanasan at mga naging gampanin ng pamilya upang makaapekto sa desisyong kanilang tinatahak. Tumugon ang piling kolehiyong mag-aaral sa Maynila para hingan ng pananaw o magbahagi ng karanasan tungkol sa usaping aspektong seksuwal at sosyo-emosyonal. Hinati ang pag-aaral batay sa sumusunod: pagbabahagi ng kanilang estado ng relasyon upang maging salik sa kanilang kamalayan at paniniwala o tindig sa panliligaw, pakikipagtalik, aborsiyon, diborsiyo, Sex Education at ilang isyu na kailangang harapin ng bansang Pilipinas. Malaking bahagi rin sa papel ang paglalaan nila ng oras sa kanilang mga barkada at ang presensiyang nararamdaman sa kanilang tahanan. Sa kabuuan, layunin ng pag-aaral na tanggapin ang iba’t ibang pananaw upang maiwasan ang diskriminasyon at makita ang progresibong pamumuhay ng Generation Z.

Mga Susing Salita: Generation Z, Kabataan, Kaibigan, Kolehiyong mag-aaral, Kulturang Pilipino

Copyright @2017 De La Salle University Publishing House.