Kamatayan, Pag-ibig, at Himagsik ng Mapagpalayang Diwa ng Kababaihan: Diyalektika ng Kalayaan at Nesesidad sa Sixty in the City ni Lualhati Bautista
E. San Juan, Jr.
Abstrak
Sinuri ang pangunahing tema ng nobela at kabuluhan nito sa sitwasyong pampolitikang ekonomiya ng kasarian. Sa pagkakaibigan ng tatlong ina, isinadula ang ugnayang sumasalungat sa piyudal-kapitalistang ideolohiya ng reipikasyon: ang magkalakip na diyalektika ng pag-ibig, seksuwalidad, at kamatayan. Pinagsanib ang teorya ni Georges Bataille hinggil sa erotisismo at historiko-materyalismong analisis ng hidwaan ng mga uring panlipunan sa neokolonya. Sa metodong iyon, naisadula ang karanasan ng mapagpalayang diwa ng kababaihan laban sa patriyarkang dominasyon. Kongklusyon ng saliksik ng mga pangyayaring dinalumat hinggil sa tatlong babaeng nagnasang makamit ang pagkilala sa sarili at pagkakilanlan sa kanila ay mailalagom dito: dapat sipatin muna ang trayektorya ng puwersang panlipunan, ang nesesidad pangkasaysayan, na nagtatakda sa ating pagkatao. Pahiwatig ito ng banghay ng nobela: upang mailigtas ang mapanlikhang lakas ng kababaihan mula sa karupukan ng katawan, mapagsamantalang dahas ng maskulinistang kaayusan, at dominasyon ng kalakal/pribadong pag-aari/imperyalistang kapital, kailangang pasiglahin ang komunidad, ang kamalayang kritikal at mapanghimagsik, upang makalaya sa pagka-alipin sa kinagisnang subordinasyon. Ang suliranin ng kasarian ay nakabuod sa kolonisadong gawi/ paniniwala na mababago lamang sa paraan ng rebolusyonaryong praktika at kolektibong sikap ng buong sambayanan.