Pamigaganaca cang Br. Andrew B. Gonzalez: Mga Ideya ng isang Pantas-wika at Kaniyang Kontemporanyong Katuturan/ Remembering Br. Andrew Gonzalez: Ideas of a Language Scholar and His Contemporary Significance

Jay Israel B. De Leon

 

Abstrak

Tinatalakay sa papel na ito ang mga ideya ni Br. Andrew B. Gonzalez, FSC (1940–2006) hinggil sa wika na lumitaw mula sa kalitatibong pagsusuri ng mga piling akdang kaniyang isinulat. Maituturing si Gonzalez bilang isa sa mga nangungunang akademiko at tagapagtaguyod ng pagpaplanong pangwika sa Pilipinas sa kontemporanyong panahon. Gamit ang kaniyang kadalubhasaan sa sosyolingguwistika, naging produktibo si Gonzalez sa paglalathala ng mga pag-aaral hinggil sa wika-sa-edukasyon at intelektuwalisasyon ng wikang pambansa ng Pilipinas. Nahahati sa tatlong seksiyon ang papel. Sa unang seksiyon, isinasalaysay ang maikling talambuhay ni Gonzalez mula sa kaniyang kapanganakan hanggang pagpanaw. Sa ikalawang seksiyon, tinatalakay ang kaniyang mga ideya hinggil sa wikang pambansa at wika ng sistemang pang-edukasyon. Sa ikatlong seksiyon, pinagninilayan ang katuturan ng mga ideya ni Gonzalez sa kontemporanyong panahon. Sa ganang awtor, ang pamigaganaca (“paggunita” sa Kapampangan) kay Gonzalez at sa kaniyang mga ideya ay makabuluhan sa kontemporanyong panahon sapagkat maaari itong makapag-anyaya ng muling pagbisita at pagtatasa sa mga patakarang pangwika at pang-edukasyong ipinatupad at kasalukuyang pinapraktis sa Pilipinas.