Abstrak
Tinalakay sa papel na ito ang danas ng Generation Z na itinuturing bilang digital natives na pangunahing pinagkukunan ang Internet ng kanilang malawak na kaalaman at pagiging bukas sa mga radikal na perspektiba. Matapat na tinalakay ang mga isyung panlipunan na mailap pag-usapan dahil sa tradisyonal na kulturang Pilipino at konserbatibong pananaw ng kanilang kinalakhang pamilya. Nailahad din ang naging tugon ng pamahalaan upang masolusyunan ang ilang isyung kinakaharap ng Generation Z dahil sa maagang karanasan at mga naging gampanin ng pamilya upang makaapekto sa desisyong kanilang tinatahak. Tumugon ang piling kolehiyong mag-aaral sa Maynila para hingan ng pananaw o magbahagi ng karanasan tungkol sa usaping aspektong seksuwal at sosyo-emosyonal. Hinati ang pag-aaral batay sa sumusunod: pagbabahagi ng kanilang estado ng relasyon upang maging salik sa kanilang kamalayan at paniniwala o tindig sa panliligaw, pakikipagtalik, aborsiyon, diborsiyo, Sex Education at ilang isyu na kailangang harapin ng bansang Pilipinas. Malaking bahagi rin sa papel ang paglalaan nila ng oras sa kanilang mga barkada at ang presensiyang nararamdaman sa kanilang tahanan. Sa kabuuan, layunin ng pag-aaral na tanggapin ang iba’t ibang pananaw upang maiwasan ang diskriminasyon at makita ang progresibong pamumuhay ng Generation Z.