Ang mga Nagbubukod at Nagbubuklod na Katangian ng Center for Kapampangan Studies (CKS): Translokalidad at Daynamiks ng Araling Kapampangan at Nagsasariling Araling Filipino

Randy T. Nobleza

 

Abstrak

Ang Juan D. Nepomuceno Center for Kapampangan Studies (CKS) ay mahigit sa dalawang dekada nang umiiral. Kaugnay nito, ang mga bahay-saliksikan sa bansa, kabilang ito sa pinakamatagal at kompleto sa silid-aklatan, museo, tanghalan, at publikasyon. Pinroblematisa ng pag-aaral na ito ang daynamiks ng mga nagbubukod at nagbubuklod na katangian ng araling pampook at pambansa sa pamamagitan ng mga ideolohikal at teoretikal na basehan ng produksiyon ng kaalaman. Gamit ang translokal na dalumat, tiningnan sa pag-aaral ang mga gawain ng CKS sa pananaliksik, pag-eksibit at pagsisinop. Batay sa mga sipi ng Alaya research journal at Singsing magazine, nakakuha ng mga tema tulad ng kasaysayan, wika, at midya. Ang translokalidad ay nakatuon sa mga bukas at hindi-linear na mga proseso na nakagagawa ng ugnayan sa mga tao at pook. Ang daynamiks ng iba-ibang nagbubuklod at nagbubukod na daluyan ng pandarayuhan at ugnayan ay palagiang pinoproblematisa at tinatangkang masagot. Ang tinutukoy na daynamiks ng mga katangiang nagbubukod at nagbubuklod ay basehan ng umuusbong na Araling Filipino. Base sa mga piling artikulo sa Alaya at Singsing, ang mga tuon ng CKS na mga tema ay lokal na kasaysayan, wikang Kapampangan, at new media. Ang tagal at kompleksidad ng CKS ay nagsasanga at umuugat sa iba pang bahay-saliksikan kagaya ng Center for Tarlaqueño Studies, Bahay-Saliksikan ng Bulacan, Cavite and Cebuano Studies Center.