Ang Karanasan ng mga Piling Dalubguro ng PUP Departamento ng Kasaysayan sa Pagtuturo ng Asignaturang Readings in Philippine History sa Panahon ng Pandemya
Kevin Paul “Ose” D. Martija
Abstrak
Naging isang malaking hamon sa sektor ng edukasyon ang nakalipas na dalawang taong pampanuruan. Mula sa nakasanayang moda ng tradisyonal na pagtuturo, napilitan ang lahat na yakapin ang distance learning bilang paraan ng pagtatawid ng pagkatuto sa panahon na umiiral ang mga restriksiyon ng mga pampublikong pagtitipon dulot ng pandemyang hatid ng COVID-19 virus. Isa sa mga pinakaapektado ay ang pagtuturo ng asignaturang Readings in Philippine History sa kolehiyo lalo pa’t nakatuon ang layunin at kahingian ng kurso sa mga bagay na nangangailangan sana ng pisikal na interaksiyon. Naging isang malaking hamon ito sa mga gurong nagtuturo ng nasabing asignatura. Sa ganang ito, sasalaysayin ng papel ang karanasan ng limang dalubguro mula sa Departamento ng Kasaysayan ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas–Sta. Mesa sa pagtukoy kung papaano hinubog ng mga umiiral na institusyonal na polisiya, pangangailangan, at kakayahan ng mga mag-aaral, at mga personal nilang karanasan ang naging direksiyon ng pagtuturo nila ng RIPH sa apat na semestre ng taong pampanuruang 2020–2021 at 2021–2022.