Kalakaran, Kabuhayan, Kata(w/u(h)an—ang Karaniwan at ang Araw-araw sa Pilipino: Ang Kaisipang Kapuwa, at Anak, ang Pananaw sa Buhay at Pag-iisip sa Panahon
Roberto E. Javier Jr
Abstrak
Tinatalakay sa papel ang katutubong kaisipan na kalakaran at ang karaniwan at ang araw-araw na buhay-Pilipino na malay siya sa kapuwa, sa kilos ng kaniyang katawan-katauhan para sa kapakanang pansarili’t panlipunan. Kalakaran ang taguri sa umiiral sa mga pook ng paggawa, pagawaan, maging sa mga pamilihan, pagamutan, palingkuran (serbisyo), kawanihan (opisina), at sa mga sangay at tanggapan ng mga pamahalaan. Sinipat sa saliksik sa sikolinguwistika, ang mga salitang kinakasangkapan ng kaisipan sa pagbubuo ng pansariling karanasan (indigenous) na buhat sa galaw, gawa’t gawi sa lipunang Pilipino. Itong katawan na siya rin nating katauhan, ay sadyang parati’y umaaksiyon tungo sa pagpapayaman ng pagkatao. Samakatwid, ang galaw, gawa’t gawi natin, kung nasa kalipunan tayo ng mga tao (human behavior in organization) na kapuwa natin, ay nagpapakatao sa pakikipag-ugnayan sa kawangis nito sa pagkatao at karangalan. Siniyasat pa sa semantika ang ugat ng ugnayan ng sarili sa sosyedad bilang siyang nasa malay na buhay sa araw-araw. Katibayan ng mga katagang gamit upang tukuyin, na ang kagyat na kilos ng katawan ay katauhang may kapuwa. Itong tinutukoy na kalakaran—ang karaniwan at araw-araw ay umiinog sa unawa o weltanschauung ng Pilipino. Ang mga salita para sa galaw ng katawan tulad ng tulak, lakad, takbo, o lingkod maging ng gawa nito gaya ng pag -pasok, -uwi, daan, -upo ay nagbabadya ng pakikipagkapuwatao, na isinusunod sa panahon at inaayon sa pananaw sa buhay. Ang katagang kalakaran ang sumasalamin sa kung ano ang kaniyang kinapapaloobang buhay. Ang buhay ang itinataguyod sa mga tugon (aksiyon-reaksiyon) sa pangangailangang pang-araw araw. Ito naman ang ipinakakahulugan ng kabuhayan na kaugnay ng hanapbuhay. Ang hanap-buhay ay bahagi ng depinisyon ng kalakaran dahil ito ang sa araw-araw ay gawain at gampanin. Samantala tinutukoy ang kabuhayan na siyang pangkalahatan nitong mga pagkilos para mabuhay ng may ginhawa.