Paniniwala sa Harô: Replektibong Pamumuhay ng mga Waraynonn
Aldwin B. Amat
Abstrak
Ang pag-aaral na ito ay may kaugnayan sa pagdalumat sa mga paniniwala sa harȏ kaugnay sa pamumuhay ng mga Waraynon. Mula sa paglilihi, panganganak hanggang sa kamatayan ay makikita ang malalim na pananalig ng mga Waraynon sa harȏ, sinasamahan nila ito ng mga bulong o orasyon sa pagtupad ng kanilang mga kahilingang bumuti ang kanilang mga karamdaman at umayos ang kanilang buhay. Sa yaman ng paniniwalang ito ay mahalagang maidokumento ito upang manatili ito sa kamalayan ng mga Waraynon. Sa panimulang gawain ng paglilikom ng mga panitikang oral kagaya nito ay malaki ang maiaambag sa pagpapaunlad ng kulturang Waraynon lalo na’t isa sa mga banta ng globalisasyon ay mabura o malusaw ang identidad, kultura, at ang ating kaakuhan. Kaya napakahalaga ng ganitong pananaliksik kultural upang mabigyan ng kulay at buhay ang identidad ng mga Pilipino. Layunin ng pag-aaral na ito na madalumat ang mga paniniwala ng mga Waraynon kaugnay ng harȏ, masuri ang mga pagpapahalagang kultural ganoon din ang mga salitang kultural na nakapaloob sa mga paniniwalang ito. Naging batayan sa pangangalap ng impormante ang sumusunod: (a) edad 55–pataas (b) ipinanganak at naninirahan sa komunidad na hindi bababa sa 15 taon (c) Taclobanon na handang magbahagi ng mga paniniwala kaugnay ng harȏ. Ginamit ang disenyong etnograpiya at pamaraang indihenisasyon saklaw ng gawaing ito ang pagmamasid, pakikipagpalagayang loob, pakikipagkuwentuhan at pagtatala na naging bahagi sa pagdodokumento ng mga impormasyon. Nabatid sa pag-aaral na naging bahagi ang harȏ sa mahalagang yugto sa buhay ng mga Waraynon sa pagbubuntis, panganganak, pangangalaga sa sanggol, pagdadalaga at pagbibinata, at kamatayan. Natukoy ang harȏ sa buhay ng mga Waraynon sa iba’t ibang anyo: Bilang gamot sa karaniwang karamdaman, bulong bilang lihi at bulong bilang pamigil-sumpa sa peligro at kamatayan. Nakaugat sa mga Waraynon ang kahalagahang espiritwal na nakita sa mga bulong o orasyon gamit ang harȏ. Inirekomenda sa pag-aaral na ito na magsagawa pa ng pananaliksik kultural upang mapaunlad ang panitikang lokal.