Intelektuwal na Talambuhay ni Bonifacio P. Sibayan: Muhon ng Pagpaplanong Pangwika at Bilingguwal na Edukasyon sa Pilipinas
Jay Israel B. De Leon
Abstrak
Nilalayon ng papel na ito na pag-aralan ang buhay at mga gawa ni Bonifacio P. Sibayan (1916–2005), isang Pilipinong lingguwista, sa pamamagitan ng isang intelektuwal na talambuhay. Partikular nitong sinisiyasat ang kaniyang mga ideya bilang tagapangunang iskolar ng pagpaplanong pangwika sa Pilipinas. Pangunahing ginamit ang mga primaryang batis na nasusulat, katulad ng mga aklat at mga artikulo, at di-nasusulat, katulad ng personal na panayam sa mga iskolar na nagkaroon ng personal na interaksiyon kay Sibayan. Ginabayan naman ng metodong biograpikal, partikular ng anyong iskolarli-historikal, at balangkas ng intelektuwal na talambuhay ang pagsusuri ng papel. Tatlong pangunahing tema ng mga ideya ni Sibayan ang lumitaw: (1) mga ugat ng suliraning pangwika, (2) bilingguwal na edukasyon bilang tulay sa pagitan ng mga hangaring instrumental at sentimental, at (3) pagpaplanong pangwika tungo sa intelektuwalisasyon ng Filipino. Sa dulo, binibigyang diin ang aktibong pakikilahok ni Sibayan sa paglutas ng mga suliraning pangwika ng Pilipinas at ang patuloy na kabuluhan ng kaniyang mga ideya sa kontemporanyong lipunang Pilipino. Inirerekomenda ng papel ang mas malalim pang pagsusuri ng mga ideya ni Sibayan, lalo na iyong mga nasa akdang hindi isinama sa pag-aaral, pati na rin ang pagsisiyasat sa iba pang dominyo ng kaniyang buhay-intelektuwal.