Ang Paglikha ng Kalamidad /The Invention of Disaster
JC Gaillard
Abstrak
Parang sentido komun na ngayon sa Pilipinas at sa iba’t ibang lugar sa mundo na ang mga kalamidad ay isa lamang “social construct” sa wikang Ingles. Samantala, ang ginagamit natin upang magsaliksik tungkol sa mga kalamidad ay isang uri lang ng konsepto, teorya, at metodolohiya na galing sa Kanluran. Layunin ng artikulo na ito na tutulan ang kabalintunaang epistemolohikal na ito. Ipakikita natin na ang mismong konsepto ng kalamidad ay likha lamang ng Kanluran na walang matatag na batayan. Nais din nating tuklasin ang pagpapatunay at institusyonalisasyon ng konseptong ito. Sa ikalawang bahagi ng artikulong ito, imumungkahi natin ang isang agenda upang magpalitaw ng ibang pagkakaintindi sa tinatawag na kalamidad sa kasalukuyan. Ang mga pagkakaintinding ito ay dapat salamin ng iba’t ibang kultura at pananaw sa mundo ng Pilipinas. Napapanahon na ngayon upang buuin muli ang ating larangan ng pananaliksik mula sa ganitong postcolonial at pluralistic na punto de bista.