Lipunan at Panitikan: Pag-uugat ng Kapilipinohan sa Pagbubuo ng Literaturang Pambansa / Society and Literature: Locating Filipinism in Developing National Literature

Ian Mark P. Nibalvos

 

Abstrak

Malaki ang pagbabagong hatid ng kolonyalismo sa ating sining lalo na ang panitikan na bunsod ng pagbabagong-bihis ng lipunang Pilipino. Kabilang sa mga kalinangang bayang pilit ipinalimot ay ang mayamang panitikan ng mga katutubo. Nawala ang mga kuwentong-bayan, mga kaalamang-bayan, awiting-bayan at ilan pang mga anyo ng pabigkas na panitikan ng ating mga ninuno. Nagkaroon din ng pagkakahati sa panitikan dahil sa pamantayan at anyo ng pagsulat na ipinakilala ng mga dayuhang mananakop. Ang pagkakahating ito, na ipinanunukala sa papel na ito ay tatawaging Dambuhalang Pagkakahating Pampanitikan., ang Panitikang Elite vs. ang Panitikang Masa. Nabibilang sa Panitikang Elite ang mga kilalang awtor na bumubuo sa tinatawag nilang “Pambansang Panitikan”, mga akdang nalathala sa malalaking palimbagan, nasusulat sa wikang Espanyol o Ingles, at nakabatay o dulot ng kaisipang kolonyal, at pasulat na paraan ng panitikan. Sa kabilang banda, nabibilang naman sa Panitikang Masa ang mga manunulat ng mga rehiyonal na akda, mga akdang bernakular na nalathala sa mga magasin lamang, mga akdang pamana ng mga sinaunang Pilipino, at panitikang pabigkas ang paraan. Sa panahong ito ng teknolohiya at edukasyong maka-global, mahalagang balikan natin ang mga ugat ng ating pagka-Pilipino tulad ng ating mga sinaunang panitikan at mga panitikan sa rehiyon sapagkat ang mga kaisipang nagmumula sa mga ito ay magbibigay sa atin ng pag-unawa kung sino tayo bilang mga Pilipino. Naghahain ang ating mga akda, lalo na ang mga akdang nasa uring pangmasa ng pinakamalinaw na salamin kung sino tayo bilang mga tao, inilalahad nito ang pinakamalalim na diwa nating mga Pilipino. Kung gayon, kailangan nating basahin o pakinggan ang sinasabi ng mga akdang itong mag-uugat o nag-uugat sa ating Kapilipinohan bilang isang mahalagang sangkap sa pagbubuo ng isang Pambansang Panitikan

Mga Susing Salita: Pantayong Pananaw, Dambuhalang Pagkakahating Pampanitikan, Siday, Panitikang Elite, Panitikang Pangmasa

 

Colonialism largely transformed our art especially our literature which was brought about by the changes in the society. Among the things that have been forcedly banished from the thoughts of the natives is their rich literature. The folktales, folklore, songs, and other forms of oral literature were lost. Separation in the field of literature also emerged due to the standard and form of writing set and introduced by foreign invaders. This division, proposed in this paper, is called, The Great Literary Divide, the Elite Literature vs. the Mass Literature. Elite Literature comprises well-known authors, literary works and publications in large print, articles written in Spanish or English, articles based on colonial thought, and author, which constitute what they call the “National Literature.” On the other hand, Mass Literature includes literary works and articles published only in magazines, oral literature, literary works of ancient Filipinos, and regional writers. In this age of technology and education that leans towards being global, it is important for us to revisit the roots of our Filipino identity like ancient and regional literature, because the ideas that come from it will give us an understanding of who we are as Filipinos. Our writings, especially the works in the Mass Literature are the clearest mirror of who we are as a people. It serves to convey the deepest essence of our Filipino identity. Therefore, we need to read or listen to what these articles say that will help trace back our past cultural heritage as an essential component in developing a National Literature.

Keywords: Pantayong Pananaw, The Great Literary Divide, Siday, Elite Literature, Mass Literature