“Hindi Ako Isang Kabayo. Ako’y Isang Tao.”: Squid Game, Kapitalismo at Etikang Pangnegosyo

Napoleon M. Mabaquiao, Jr.

 

Abstrak

Pangunahing nilalayon ng sanaysay na matukoy at maipaliwanag sa isang tematikong pamamaraan ang mga elementong bumubuo sa mensahe ng kuwento ng seryeng pantelebisyon sa Netflix na pinamagatang Squid Game. Ang mensaheng ito, na may kinalaman sa masasamang epekto ng matinding kompetisyong umiiral sa sistemang pang-ekonomiya ng kapitalismo sa buhay ng mga ordinaryong miyembro ng lipunan, ay sinusuri gamit ang balangkas ng etikang pangnegosyo. Ipinakikita na ang pangunahing nilalayong iparating na mensahe ng kuwento ay ang pangangailangang maitaguyod ang etika sa sistema ng kapitalismo upang maibsan kung hindi man tuluyang maiwasan ang mga negatibong epekto nito sa buhay ng mga tao. Sa partikular, pinatutunayan ang pagsuporta ng kuwento sa mga pagtutol sa mga argumentong nagsusulong ng kaisipang walang lugar, imposible, o hindi mahalaga ang etika sa mga gawaing pangnegosyo sa sistema ng kapitalismo. Habang ang kuwento ay nagbibigay ng isang babala sa maaaring sukdulan na mga negatibong kahihinatnan ng patuloy na paglaganap ng kawalan ng etika sa kapitalismo sa buhay ng mga tao, ito rin naman ay nagbibigay ng pag-asa sa likas na kabutihan ng tao na manaig sa kahulihan at sa gayo’y mapigilan ang kaganapan ng mga naturang posibleng kahihinatnan.