“Pasmado, Kailangan Bang Mangamba?”: Pagdalumat sa Salitang Pasma Bilang Isang Konseptong Pilipino
J Owen Lebaquin, RN, Shaina Mae Junio, RN, Lyra Erielle Ilagan, RN, Portia Marie Maglalang, RN, Stefhanie Joyce Manganti, RN, Rashel Lidia Mariano, RN, Johnrose Mercadero, RN, Ian Mark Nibalvos*, RN, LPT, MA
Abstrak
Ang salitang pasma ay matagal nang nasa kamalayan ng mga Pilipino ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin naipaliliwanag ang kahiwagaang taglay nito. Ito ay walang siyentipikong basehan kaya patuloy pa ring itinuturing bilang isang “folk illness.” Ang saliksik wikang ito ay naglalayong magbigay-kontribusyon sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino sa pamamagitan ng pagtalakay ng konseptong pangkalusugan upang lubos na maunawaan ito ng mga Pilipino. Isang rebyu ng literatura at pag-uugnay-ugnay ng mga ito ang ginawa ng mga mananaliksik upang matugunan ang pagbabatayan sa pagbuo ng konsepto ng pasma. Nabuo ng mga mananaliksik ang sariling depinisyon ng salitang pasma: Ang pasma ay hindi isang medikal na kondisyon o sakit, ngunit maihahalintulad ito sa isang syndrome. Ang mga nakalap na artikulo rin ang magbibigay-linaw sa maaaring sanhi ng karamdaman, mga karamdaman na maaaring maidulot, mga paraan upang maiwasan ito, at pagsasaalang-alang kung dapat itong paniwalaan. Ang pasma ay isang kondisyong dulot ng biglaang pagbabago sa temperatura, sanhi ng pagkakalantad sa init, at lamig ng katawan ng isang tao. Ang mga mga sintomas nito ay panginginig, pagpapawis, pananakit at pamamanhid ng kamay at iba pang bahagi ng katawan. Inilalahad sa papel na ito ang etimolohiya, mitolohiya, pagpapakahulugan sa iba’t ibang larang at aplikasyon ng salitang pasma. Ayon sa mga paniniwala ng matatanda, ang pasma ay nakukuha sa pagbabasa o pagligo gamit ang malamig na tubig pagkatapos sumailalim sa matagal at nakapapagod na gawain. Ang paniniwalang ito ay salungat sa pag-aaral ng mga eksperto sa larangan ng medisina na iniuugnay naman ang mga sintomas ng pasma sa sakit na Diabetes Mellitus, Thyroid Dysfunction, at Neurological Dysfunction. Matagumpay na naisagawa ang layuning mabigyang linaw ang pasma bilang sintomas na iniuugnay sa iba’t ibang sakit. Ipinakikita rin sa papel na ito kung paano nakaaapekto ang mga paniniwala sa health seeking behaviors ng mga Pilipino. Sa kabila nito, ang mga nars ay kailangang magpamalas ng respeto sa paniniwala at pagsasaalang-alang sa kulturang kinamulatan ng mga pasyente. Dagdag pa rito, ang mga nabanggit na interbensiyon ay makatutulong sa larang ng nursing upang makapagbigay ng angkop na pangangalaga sa mga pasyente.