Mga Literaturang Oral ng mga Caramoranon sa Rehiyong Bikol Bilang Repositoryo ng Kulturang Pilipino
Jovert Balunsay at Susan M. Tindugan
Abstrak
Hitik sa yamang kultural ang lalawigan ng Catanduanes. Maliban sa naggagandahang mga tanawin ay umiiral pa rin sa isla ang mga akdang pampanitikang halos hindi pa naisasapapel. Kabilang sa mga ito ang mga panitikang oral ng mga Caramoranon o mga mamamayan ng Caramoran, Catanduanes. Sinaliksik sa papel na ito ang iba’t ibang panitikang oral ng mga Caramoranon na may layuning masuri at maisapapel upang mabasa at magamit bilang kagamitang instruksiyonal sa Filipino at Panitikan. Sa pamamagitan ng pakikipanayam sa matatanda at may mga alam ng mga panitikang oral ay nalikom ng mga mananaliksik ang samot-saring kuwentong kababalaghan, mga tula, tigsik, rawitdawit, kanta, at mga bugtong. Ang mga ito ay inirekord at pagkatapos ay dumaan sa proseso ng transkripsiyon. Sinuri ng mga mananaliksik ang paksa at mga aspektong kultural na nakapaloob sa bawat akda. Ang mga nakalap na datos ay inihanay sa angkop na mga talahanayan at mabusising sinuri ng mga mananaliksik. Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga paksa at aspektong kultural na mahahango sa bawat akdang pampanitikan ay repleksiyon ng mayamang kinamihasnan, payak na pamumuhay, kasaysayan, kultura, tradisyon, at paniniwala ng mga Caramoranon at ng mga Catandunganon sa kabuoan.