Edu-Aksiyon. Ang Distansiya ng Mahihirap sa Distance Learning sa Panahon ng Pandemya

Billy N. De Guzman at Catherine C. Cocabo

 

Abstrak

Sinasandalan ng mahihirap na pamilyang Pilipino ang edukasyon bilang pangunahing pangangailangan upang makaalis sa kahirapan. Sa panahon ng pandemya, ang paniniwalang ito ay nagbigay ng pagsubok sa mahihirap na pamilya. Ang pananaliksik na ito ay tumutugon sa distansiya ng mahihirap sa pagkakamit ng edukasyon sa panahon ng pandemya.
Pangunahing sinasagot sa pananaliksik na ito ang kahandaan ng mahihirap na pamilyang Pilipino sa paparating na distance learning. Dahil sa isyu ng Covid habang sinusulat ang pananaliksik, isinaalang-alang ng mga mananaliksik ang pagsusuot ng face mask, face shield, at paggamit ng alkohol. Gamit ang deskriptibong pananaliksik at purposive sampling ay naging maayos ang pagkuha ng mga nakapanayam na mga guro, bahagi ng gobyerno, at mahihirap na pamilya. Dito umikot ang paglalatag ng mga datos na siyang magbibigay-kasagutan sa mga tiyak na suliranin sa pananaliksik. Nakaangkla ang pananaliksik sa ideolohiya ng banking concept of education ni Paulo Freire sa kaniyang librong Pedagogy of the Oppressed. Lumala ang pagkakamit ng edukasyon ng mga maralitang pamilya dahil sa distance learning dahil sa kawalang kahandaan ng pamilya dahil sa kakulangan nila ng mga gamit sa klaseng online, at sitwasyong panlipunan nila sa modular learning. Kabalikat ng kanilang pakikibaka ang mga polisiyang hindi nakakiling sa kanilang pangangailangan kundi sa pangkalahatang pamilya. Dahil dito, nangapa ang mahihirap sa mga paraang ito ng pagtuturo na nagresulta sa pagtambak at pag-imbak lamang ng mga sinasabi ng mga guro sa mga kailangan nilang gawin sa modular learning. Isa pa, dahil modular, nagsisilbing tagagabay ang mga magulang sa pag-aaral at pagsagot sa mga gawain sa modyul ng kanilang mga anak. Subalit ang katotohanan, hindi lahat ng magulang ay may sapat na kaalaman dahil maging sila ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral. Isyu rin ang kanilang
hanapbuhay kung bakit hindi natutukan ang kanilang mga anak sa modular learning sa panahon ng pandemya.