Abstrak
Sa panahon ng pag-igting ng ipinatupad na lockdown noong Abril 2020, naglunsad ng patimpalak at adbokasiya ang Foundation AWIT (Advanced Wellness, Instruction, and Talents, Inc.) at Rappler na naglalayong maitala ang mga kuwento ng danas sa pandemya gamit partikular ang anyo na dagli na limitado lamang sa labing-siyam (19) na salita. Ang ikli na itinatakda rito ay nakaugat sa konteksto ng krisis sa pademya, at maging sa pag-usbong at pagiging popular ng dagli sa espasyo ng pahayagan at gayundin sa ekonomiya ng salita bunsod ng pagtitipid sa panahon, limitasyon sa espasyo at mambabasang laging nagmamadali. Batay sa panuntunan sa paglahok, bukod sa bubuuin ng 19 na salita lamang ang akda, kailangang i-post ito sa Facebook sa buong buwan ng Abril 2020 gamit ang #dagli19. Sa ganitong konteksto, nilayon ng papel na makilatis ang naratibo ng lockdown at politika ng sandali sa anyo ng #dagli19 sa Facebook. Gamit ang theory of moment ni Henri Lefevbre, tinangkang maitanghal ang kapasidad ng social media bilang espasyo ng politikal na sandali na mababakas sa anyo ng panitikan na nagsisilbing ahensiya sa pagtatala ng kolektibong danas, at sityo ng politikal na diskurso sa panahon ng krisis. Para masipat ang ekonomiya ng salita at madiskurso ang sandali, ginamit ang web-based tool na Voyant-tools para magkaroon ng pangkalahatang tanaw sa pili at dalas ng mga salitang ginamit sa mga dagli. Binibigyang diin sa papel ang mahigpit na ugnayan ng sandali at dagli kaugnay partikular sa paghabi ng naratibo ng lockdown sa social media.