Mga Piling e-Pabula ng Caraga Bilang mga Kagamitang Awdyo-Biswal sa Pagtuturo sa Ikapitong Baitang
Fe S. Bermiso, Janrose M. Evangelio, Ariel S. Gongora, Regine G. Abines, Mary Jane O. Agohot, at Rydyll Mae S. Alcontin
Abstrak
Pangunahing layunin ng pananaliksik ang makabuo ng kompendiyo ng mga e-pabula gamit ang mga piling orihinal na kaalamang bayan sa rehiyon ng Caraga bilang mga kagamitang awdyo-biswal sa pagtuturo sa ikapitong baitang. Ito ay deskriptibo-debelopmental na pag-aaral na ang mga nalikhang mga e-pabula, alinsunod sa teoryang Cognitive Theory of Multimedia Learning ni Richard E. Mayer at Cognitive Load Theory ni John Sweller , ay isinalang sa balidasyon at aktuwal na paggamit ng mga ito sa pagtuturo sa mga piling mag-aaral. Natuklasan na akma ang disenyo at epektibong kagamitang pampagtuturo ang mga nabuong e-pabula matapos itong sang-ayunan ng anim na ebalweytor. Ang pagsang-ayon ng limang gurong tagamasid sa mga mag-aaral ng ikapitong baitang na kalahok sa ginawang pilot na paggamit ng mga e-pabula at ang naging performans ng mga kalahok sa pagtataya ay nagpapatunay na mabisang awdyo-biswal at epektibo ang sampung e-pabula bilang kagamitang pampagtuturo sa ikapitong baitang. Ang paggamit ng mga nabuong kompendiyo ng mga e-pabula ay inirerekomendang gamitin ng mga guro bilang suplemento sa kanilang pagtuturo sa ikapitong baitang sa paglinang sa mga araling pangwika at pampanitikan.