Komparatibong Pananaliksik sa mga Etnikong Estereotipo sa mga Ilocano, Itawes, at Ibanag sa Lungsod ng Tuguegarao, Cagayann”
Rosette B. Balisi at Guadalupe B. Cagurangan
Abstrak
Ang Lungsod ng Tuguegarao sa Cagayan ay maituturing na isang multikultural at multietnikong lugar na namamayani ang mga etnolingguwistikong pangkat ng mga Ilocano, Itawes, at Ibanag. Sa tulong ng metodolohiya nina Katz at Braly na nilapatan ng modipikasyon nina Mendoza et al., napagtagumpayan ng pananaliksik na ito ang mga sumusunod na layunin: 1) nalaman ang 12 pangunahing katangiang estereotipo ng etnolingguwistikong pangkat, 2) nakalkula ang uniformity indeces ng bawat etnolingguwistikong pangkat, 3) nalaman ang pagkapositibo/pagkanegatibo indices ng mga etnolingguwistikong pangkat 4) napaghambing ang 12 pangunahing mga katangiang estereotipo ng etnolingguwistikong pangkat, 5) napaghambing ang uniformity indices at, 6) napaghambing ang pagkapositibo/pagkanegatibo ng mga etnolingguwistikong pangkat. Napagalaman na ang mga nangungunang etnikong estereotipo sa mga Ilocano ay kuripot, masarap magluto ng pinakbet, mabait, madasalin, masipag, maunawain, matapang, mataray, disiplinado, matulungin, may bayanihan, madaldal, at madiskarte. Sa mga Itawes ay masipag, mabait, madasalin, masunurin, naniniwala sa mga santo, mapagmahal, matatag, disiplinado, maaasahan, malapit sa pamilya, maparaan, maunawain. Samantalang sa mga Ibanag ay gumagawa ng mga salawikain (unoni) at mga bugtong (palavvun), madasalin, mapamahiin, delikadesa, naniniwala sa tradisyon at kultura, may bayanihan, matulungin, mabait, matiyaga, magalang, mapagmahal, at masipag. Napag-alaman ding parehong mayroong dalawang bilang ng mga magkakahalintulad na katangian ang mga Ilocano at Itawes, at Ilocano at Ibanag. Ang tatlong etnolingguwistikong pangkat ay mayroong tatlong magkakahalintulad na katangian, ang pagiging madasalin, mabait, at masipag. Batay sa uniformity indeces ng tatlong etnolingguwistikong pangkat, lumalabas na sa mga Ilocano ang mayroong pinakamalinaw na pagkasangayon at sa mga Itawes naman ang mayroong pinakamalabong pagkasang-ayon.