Angas Bilang Lakas: Mga Kuwento ng Kabataang Babae ng Mataas na Paaralang Pambansa ng Muntinlupa (Senior High School)
Lynette V. Mandap at Raquel E. Sison-Buban
Abstrak
Layunin ng pag-aaral na (1) masuri kung paano nagiging lakas ang angas para sa mga kabataang babae, (2) mailatag ang mga kuwento ng angas bilang lakas ng mga kabataang babae, at (3) matukoy ang kalimitang isyu/suliranin, at hamon ng mga kabataang babae gayundin kung paano nila ito hinaharap. Ang mga kalahok sa pag-aaral ay nasa edad 18 hanggang 20 taong gulang mula sa Mataas na Paaralang Pambansa ng Muntinlupa (Senior High School). Gamit ang pakikipagkuwentuhan bilang metodo ng pananaliksik (Pe-Pua 1982), sinuri ang mga binalikang alaala ng naging danas ng kabataang babae, pinagnilayan ang mga isyu/suliranin, hamon, at solusyon nila sa mga ito, at dinalumat ang angas nilang taglay batay sa kani-kanilang mga kuwento hanggang sa kung paano nila ito nagiging lakas. Lumitaw sa konteksto ng mga kuwento ang pagpapakahulugan ng mga kabataang babae sa angas bilang pagtingin sa kanilang sarili, sa kapuwa, o sa buhay na naipahahayag sa iba’t ibang pamamaraan bilang pagtugon nila sa kani-kanilang mga isyu at suliranin, at hamon sa mga sitwasyong pinagdaraanan. Ang kanilang angas sa kabuuan ay ang lakas at tapang nilang harapin, pasanin, o tanggapin ang mga sitwasyong hindi nila kayang kontrolin.