Ang Mas Nakikitang Muhon ng Kontemporanyong Panitikan ng Kanlurang Visayas sa Mapa ng Pambansang Pampanitikan Bilang Produkto ng Literary Engineering ni Leoncio P. Deriada: Pakikipanayam sa Apat na Manlilikha ng Kanlurang Visayas
Ferdinand P. Jarin
Abstrak
Ang pag-aaral ay tungkol sa buhay, pag-aakda, at kultural na produksiyon ng itinuturing na Ama ng Kontemporanyong Panitikan ng Kanlurang Visayas na si Leoncio P. Deriada. Napakahalaga ng naging papel ni Deriada upang mamayagpag ang kontemporanyong panitikan ng Kanlurang Visayas lalo pa ang pagsusulat at pagpapakilala ng mga wikang Hiligaynon, Kinaray-a, at Aklanon bilang mga wika ng pambansang panitikan. Ang mga antolohiyang binuo ni Deriada ang kongkretisasyon ng konsepto niya ng panitikan ng rehiyon, o ang panitikan mula sa mga banwa ng Kanlurang Visayas, bilang panitikan ng bansa. Nais tugunan ng pag-aaral ang hamon ng kritiko at pambansang alagad ng sining na si Bienvenido Lumbera na lumikha ng talambuhay ng mga alagad ng sining ng rehiyon bilang isa sa mga gawaing magpupuno sa puwang sa pagdurugtong at pagsasanib ng panitikan ng rehiyon bilang panitikang pambansa. Kung paanong ang pag-aaral sa buhay at pag-aakda ni Deriada ay magpapatibay rin sa argumento na ang panitikan ng bansa ay marami, hindi iisa, walang sentro, dahil lahat ng rehiyon ay sentro ng panitikang pambansa. Gayundin, layunin ding ipakilala si Deriada bilang intelektuwal ng panahong post-kolonyal na nagsulong ng bernakular na panitikan ng rehiyon tungo sa isang dekolonisadong panitikan at pag-aakda para sa mga bagong henerasyon ng manunulat ng Kanlurang Visayas. Kaya naging layunin ng pag-aaral na maipakilala si Leoncio P. Deriada bilang manunulat, manggagawang pangkultura, at persona mula sa pagkakakilala ng apat na manunulat ng Kanlurang Visayas na naging malapit sa kaniya bilang anak, anak sa panulat, mga nagabayan niya sa pagmamapa ng sarili bilang mga manunulat at kritiko, at kapuwa guro at manunulat noong siya’y nabubuhay pa. Mga manlilikhang naging kongkretong produkto ng literary engineering na ikinasa ni Deriada sa Kanlurang Visayas. Magreresulta ang pag-aaral ng isang intellectual biography na magtatanghal kay Deriada bilang isang epektibo at pangunahing tagapagtaguyod ng panitikang rehiyonal bilang panitikan ng buong bansa.