Larong Tabletop na Isabuhay: Mga Paunang Puna sa Pagpapaunlad ng Disenyong Laro ng isang Game-based Learning na Materyal / The Tabletop Game Isabuhay: Some Preliminary Critiques for Developing a Game Design of a Game-based Learning Material
Mariyel Hiyas Concha Liwanag
Abstrak
Binuo ang Isabuhay, isang turn-based, kooperatiba at roleplaying na larong tabletop bilang isang suplementaryong aktibidad sa mga klaseng tumatalakay sa wika at lipunan sa andergradwadong antas. Sa papel na ito, tinasa ang kabuuang disenyo ng kasalukuyang bersiyon ng laro ayon sa mga sumusunod na pamantayan: ang layunin, mga nilalaman at impormasyon, ang mekanismo, ang kuwento, ang estetika at audio-biswal, ang bastidor, at ang ugnayan ng mga ito sa bawat isa sa loob at labas ng laro. Nakita ang ilang kalakasan ng laro upang maabot ang layuning maging isang turn-based, kooperatiba at roleplaying na larong tabletop at ang pamamaraan para maisagawa ito gamit ang mga libre at aksesibleng kagamitan. Gayunman, tulad ng anumang idinidisenyong laro, may ilang puna para sa pagpapaunlad nito. Nakaugat ang kalakhan ng mga isyu sa disenyo ng laro sa kawalan ng kasaklawan ng layunin ng laro. Dahil hindi ito masaklaw, walang mahigpit na ugnayan sa ilang piyesa o elemento sa loob ng laro at walang kaisahan sa biswal na estetika nito. Gayunman, magagamit ang mga puna na ito para paunlarin ang isang larong ito tungo sa proyekto ng pagiging bahagi ng bukas na rekursong pang-edukasyon para sa pagtuturo ng wika.