Ang Queer Literacy Framework: Isang Pagsusuri sa Pagtuturo ng Panitikang Pambata Gamit ang “Ang Tatay ni Klara at Nanay ni Erwin” at “Ang Ikaklit sa Aming Hardin” / The Queer Literacy Framework: An Analysis of Teaching Children’s Literature Using “Ang Tatay ni Klara at Nanay ni Erwin” and “Ang Ikaklit Sa Aming Hardin”

John Paolo Sarce

 

Abstrak

Punlaan ng diskurso sa pagkatao at kasarian ang mga espasyong tulad ng tahanan at paaralan. Sa mga lugar na ito maaring paikutin ang mga materyal na nagtuturo ng mga kaisipan ukol sa pagkatao ng isang indibidwal tulad ng mga panitikang pambata. Ang mga magulang o gurong nagbabasa nito sa mga bata ay nakatutulong na maghulma ng sensibilidad sa usaping seks at kasarian. Gamit ang ilang teorya mula sa mga larangan ng Queer Theory, Childhood Studies, Critical Studies, at Critical Pedagogy, matalik na binasa ng papel ang katha sa tekstuwal at biswal na antas, at ipinagpatuloy ito sa kritikal na pagbabasa ng mga diskursong nakapalibot sa pagtuturo ng panitikang pambata na tumatalakay sa kasarian. Naipakita sa papel na ito ang tatlong mahahalagang usapin pagdating sa pagtuturo ng panitikang pambata at pagsusuri sa genre nito, una ay pagkatha sa biswal at naratibong antas ng katauhan ng mga magulang. Pangalawa, ang kosepto ng pamilya at ang relasyon nito sa palahudyatan ng seks at kasarian. Panghuli, ang paggamit ng panitikang pambata bilang kasangkapan sa pagtuturo para sa usaping pangkasarian at ang relasyon nito sa iba’t ibang sexual framework mula heterosexual/homophobic framework tungong queer literacy framework. Nagbubukas at nag-eenganyo ang papel na ito sa patuloy na pagtalakay sa mga usaping pampedagohiya at ang relasyon nito sa queer theory at literacy.