Pagkakawalay Pampolitika at Kawalan ng Kapangyarihan: Politika’t Pagkamamamayan sa Pilipinas

Anthony Lawrence A. Borja

 

Abstrak

Ang demokratisasyon sa Pilipinas ay binabagabag ng mga aninong bumabalot sa mga mamamayan nito. Isa na dito ang kawalan ng kapangyarihang politikal na pawang nagbubukod at nagbubuklod sa mga ordinaryong mamamayan. Sila ay nawalay na sa politika, di lamang sa kanilang mga saloobin kundi pati na rin sa kanilang gawi. Mababa ang palagay nila sa kanilang pagiging mamamayan habang sa eleksiyon lamang sila malimit makilahok. Batay sa mga pangunahing obserbasyon na ito, aking ilalapat ang isang balangkas ng pagkakawalay pampolitika sa Pilipinas. Bilang gabay, susuriin ko ang mga katangian at dimensiyon ng pagkakawalay pampolitika’t kawalan ng kapangyarihan sa Pilipinas. Aking ipinapanukala na ang pagkakawalay pampolitika ay tumutukoy sa isang kondisyon, ugnayan, at proseso kung saan naniniwala ang isang mamamayan na hindi na niya kayang kontrolin at lubos na unawain ang mga usapin at gawaing pampubliko. Bukod pa rito, ang pagkakawalay na ito ay kaugnay ng di paglahok ng isang mamamayan sa mga gawaing pampolitika kahit na kinikilala niyang may epekto ang politika sa kaniyang pang-araw-araw na pamumuhay.